border

border

Tuesday, June 21, 2011

My Last Day with my PAPA (May 19, 2011)

Hindi ko alam kong saan ako magsisimula at kung papaano ko ipapahayag ang mga nanagyari sa huling araw ni papa dito sa mundo. Sa pagbalik ko sa aking gunita, noong Abril 1, 2011 ito ay ika 57 na taong gulang ni papa. Ewan ko ba kung bakit at may tila nag-uudyok sa akin na nagsasabi: “kelangan kung umuwi para makasama ko ang aking papa”. Kahit pa nga, di ko natapos ang mga proyekto ko sa school gayunpaman di ko ininda iyon basta para sa akin mas importante ang makapunta at makauwi ako sa bahay.

Dati rati okey lang sa’kin ang di makabati kay papa kasi iniisip ko matagal pa naman siya dito sa mundo, marami pang pagkakataon…

Tanghali na ng nakauwi ako sa bahay, pagdating ko walang tao. Umalis sila sa bahay hindi ko alam ang dahilan kaya ang naisip ko ay baka kumain na sila sa labas kaarawan nga pala ni papa. Para maibsan ang sobrang tahimik ng paligid ay nanood nalang ako ng tv.

May narinig akong ingay, siguradong sila papa na iyon…

Si papa ang unang pumasok ng bahay, nakangiti siya na tila para sa akin. Nagulat siya kasi biyernes ‘yun alam nilang di pa natatapos ang klase ko. At dahil sa ngiting iyon ay nasambit ng bibig ko na “happy birthday pa” na dati ay di ko ginagawa. Isa pa sinagot ni papa sa akin na di nila alam na uuwi ako kaya di sila nakapaghanda kahit konti. Hindi rin kasi daw ako nagtext kung uuwi ba talaga ako sa araw na iyon kasi ang talagang plano ko ay sa linggo pa ako uuwi.

Kaya agad sambit ni papa kay mama na ibili ako agad ng ulam.

Pagkatapos ng Abril 1

Nang makauwi na si papa galing sa pamamasada ay nagdala siya ng letsong manok. Aniya, di siya nakapaghanda sa kaarawan niya kahapon kasi ‘yung perang pinadala ng mga kapatid ko ay ipinarehistro nila sa motorsiklo kung kaya ay ngayon nalang namin ipinagdiriwang ang kanyang kaarawan. Kumain pa kami ng sama-sama at kompleto, nandiyan si mama, si Jun2, ako at si papa. Tinanong pa nga ako ni papa kung kelan ang balik ko sa Davao at kung sasabay ba ako sa kanya, sabi ko, “ou pa, dz coming Sunday morning”. Nang kinagabihan, ubos na halos ang letson na dinala ni papa kaya nagluto si mama ng bagong ulam.

Tandang-tanda ko pa, pinakiusapan ni papa si mama na sumabay saming kumain subalit ayaw ni mama kasi busog pa umano siya. Pagkatapos kumain ay nanghugas ako ng plato at si Jun2 naman ay nagwalis sa luob ng bahay.

Dahil nga sa pagod na si papa ay nauna siyang nagpahinga sa kwarto at natulog habang kaming tatlo ay nanood ng programang wiling willy. Nakakatawa at sobrang lakas ng tawa naming tatlo kaya nagising si papa para umihi. Sabi niya, “ano bang pinapanood niya at sobrang lakas ng tawa ninyo?”. At ako naman ay parang walang narinig ay panay pa rin ang tawa ko.

Pagkatapos ng Abril 2

Madaling-araw na noon, tahimik ang paligid at wala sa isip kong may masamang mangyayari. Nagising ako sa sigaw ni mama at humihingi ng tulong para bang sigaw na noon ko lang narinig sa aking ina. Dali-dali akong tumungo sa kwarto nila, nakita ko, nakita ng dalawang mata ko si mama hnihimas ang dibdib ni papa at panay sambit ng panagalan niya. Nagsimula na akong kabahan at bigla nalang tumulo ang aking luha. Si papa ay ayaw ng gumalaw, ni wala man lang reaksyon sa ginawa kung pagyugyog sa kanya. Natutulog at naghihilik pa rin siya…kaya lumabas ako para humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

“Tulong…tulong…tulongan niyo po kami…tulong…tulong!”, nanginginig na ang mga kamay ko at di ko na alam kung ano ang dapat kung gawin. Nang makabalik na ako sa loob marami ng mga tao pero si papa ganun pa rin ang lagay niya. Nakita ko umihi na si papa sa higaan niya.

Sa totoo lang di ko alam kung ano ang ibig sabihin kapag nakaihi na ang tao sa higaan, ang alam ko lang di ko gusto ang punto nito.

Naisakay na si papa sa multicab ng kapitbahay nami para dalhin sa ospital, ayun sumama ako. Hinawakan ko si papa sa kamay dahil utos sa akin ng isa naming kapitbahay pero ramdam ko na lumalamig na ng paiunti-unti ang kanyang mga daliri. Ayaw man nilang sabihin pero inihahanda ko na ang posibleng mangyari. Habang nasa byahe kami ay tulo ng tulo ang mga luha ko.

Pero walang nagawa ang ospital tuluyang bumitaw si papa…

Naisip ko lang, what if di ako umuwi sa kaarawan ni papa? Ano kaya ang mararamdaman ko??? Isa lang ang naiisip kong sagot dito, PAGSISI. Pagsisi na kahit sa natitirang araw ng buhay ay di ko kailanman mapapatawad ang aking sarili. Buti nalang at sinunod ko ang puso ko. Puso ng isang nagmamahal na anak sa kanyang pinakamamahal na ama.

Note: Papa and Mama, I love you both…